DSWD, PAG-AARALAN ANG MGA HINDI NAKASAMA SA FOOD STAMP
Pag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang posibleng pagsama sa mga Pilipinong pamilya na maituturing na food poor na hindi nakasama sa listahan ng mga benepisyaryo ng food stamp program ng pamahalaan.
Sinabi ni DSWD Asec. Romel Lopez na ang mga nakasali sa programa ay matutukoy sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction na ginagamit para tukuyin ang mga potential beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Paliwanag ng opisyal, kung hirap sa pagkain ang isang pamilya ngunit hindi napabilang sa target beneficiaries ay pwede silang dumulog sa mga Local Social Welfare Development Office upang agad itong matugunan. Kapag mayroon ng mga posibleng candidates, ang LSWDO ang magpapaalam sa DSWD para masala at may pagkakataon na maisama sa listahan ng food stamp program.
Noong July 18, 2023 ay opisyal itong inilunsad sa Tondo Maynila na dinaluhan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan nasa 50 pamilya ang unang batch na nabigyan ng food stamp card.
Nilinaw ng ahensiya na ang P3, 000 halaga na laman ng food stamp card ay hindi maaaring maaaring maipasa sa iba o isangla dahil mayroon itong kakaibang mode of verification upang masiguro na ang recipient lamang ang tanging gumagamit nito.
Kaya’t para maiwasan ang misuse nito, ayon sa DSWD, ang P3,000 halaga na laman ng food stamp card ay hindi maaaring mawithdraw o maconvert sa cash at maaari lamang ipambili sa partner merchant ng ahensiya.
Samantala, nakaantabay lamang ang DSWD-Nueva Ecija sa mga ibabang guidelines ng ahensiya sa naturang programa bago masimulan ang pamamahagi sa lalawigan.