MAKATINDIG BALAHIBONG KARANASAN SA NAGING SUNOG SA SAN JUAN ACCFA, CABANATUAN CITY, IBINAHAGI NG MGA RESIDENTE

Ibinahagi ng mga residenteng nasunugan sa San Juan Accfa, Cabanatuan City kung paano silang nakaligtas sa nangyaring sakuna sa kanilang lugar, mag-aalas singko ng hapon, noong July 8, 2023.

Ang mga kababaihan nung mangyari ang insidente ay naglalaba, ang ilang kalalakihan ay nakatambay sa labas ng bahay, habang mayroon din ang natutulog at mayroon namang nasa loob mismo ng bahay habang ito ay nasusunog.

Bagaman walang nasawi sa nangyari ay nagtamo naman ng first degree burn ang kaliwang bahagi ng katawan ni Tatay Ricardo De Vivar, anim napu’t anim na taong gulang, na natutulog sa itaas na bahagi ng kanilang bahay nang panahong iyon.

Kwento niya, nang magising siya ay naghihiyawan na ang kanyang mga kapitbahay habang papalit na sa kanyang kinalalagyan ang apoy na lumalamon na sa kanilang buong kabahayan.

Sa kagustuhang makaligtas ay tiniis nito ang pagdila ng apoy sa kanyang balat upang makalabas ng kanilang bahay na nahulog pa sa hagdan.

Bago ang sunog, nadisgrasya sa motor ang bunsong anak ni Tatay Ricardo noong buwan pa ng Hunyo na nabalian ng hita at nananatili pa ring nasa ospital matapos malampasan ang kritikal na kondisyon.

Ang hinuhulugan ding motor na sakay ng kanyang anak nang maaksidente ay kasama din sa tinusta ng apoy.

Mother instinct naman ang gumana kay Maribel Dela Cruz na sa kabila ng pagkabigla sa pagliyab ng kanilang bahay kung saan nagmula ang sunog ay agad nitong niyakap ang mga anak at sinuong ang nag-aapoy na paligid upang makalabas ng bahay.
Unti-unting bumabangon ngayon ang nasa tatlumpo’t dalawang pamilya na nadamay sa sunog at bilang pagsisimula ay naghandog na ng pinansyal na tulong ang Pamahalaang Panlalawigan na pinambili ng ilang kahoy, yero at pako.