MGA MIYEMBRO NG SSS, HINIHIKAYAT NA MAGREGISTER ONLINE

Nanawagan ang Social Security System Cabanatuan Branch Head na si Jose Rizal Tarun sa mga miyembro nito na magparehistro sa kanilang online account para sa mas mabilis na pagkuha ng impormasyon at pagproseso ng transaksiyon.

Sinabi ni Tarun na ang pagrerehistro sa SSS gamit ang kanilang website na www.sss.gov.ph ay nagbibigay sa mga miyembro ng mas madaling pag-access sa kanyang account. Dito ay masusuri ng members ang kanilang personal record at contribution kung updated ang mga ito.

Sa pamamagitan ng SSS online account ay maaari na ring magpasa ng aplikasyon para sa mga pautang o magfile ng loan at benepisyo tulad ng sickness, maternity at retirement nang hindi na pumupunta pa sa opisina.

Sa pagrerehistro, kinakailangan lamang na kumpletuhin ang hinihinging personal information tulad ng SSS number, pangalan, petsa ng kapanganakan, email-address at contact. Pagkatapos mapunan ang online form ay kinakailangan namang lumikha ng miyembro ng kanyang username at password.

Kung matagumpay ang pagpaparehistro ay makakatanggap ang miyembro ng email confirmation mula sa SSS kung saan maaari nang mag-log-in gamit ang ginawang username at password.

Sa kasalukuyan ay patuloy na isinasagawa ng ahensiya ang Run After Contribution Evaders o RACE Campaign sa mga nasasakupan nitong employer at kompanya upang masiguro na tama ang paghuhulog ng kontribusyon para sa mga benepisyo ng kanilang mga empleyado.

Kaya hinihikayat ng ahensiya ang bawat miyembro nito na magparehsitro sa SSS online account upang masubaybayan nila kung tama ang paghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga employer.