HACKING INCIDENT SA FACEBOOK, TUMAAS! PUBLIKO, BINALAAN NG PNP- ANTI-CYBERCRIME GROUP

Binalaan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang publiko na mag-ingat dahil sa tumataas na kaso ng hacking incidents sa social media.

Sinabi ng PNP-ACG, nakakaalarma ang paglobo ng mga kaso ng pag-hacked sa facebook na umabot na sa 743 mula Enero hanggang Hunyo ng 2023.

Base sa kanilang datos, mula sa 503 kasong iniulat noong 2021 ay pumalo ito sa 1,402 noong 2022.

Dahil tapos na ang pinalawig na SIM registration nitong July 25, inihayag ng ACG na target na ng mga hacker at scammer na manipulahin ang pagkakakilanlan ng account user upang makapanloko sa mga contact ng biktima.

Kaya payo ng ahensiya sa lahat ng gumagamit ng facebook na magkaroon ng two-factor authentication na mkikita sa setting ng FB, iwasan ang pagkonekta sa mga public Wi-Fi at mag-log-out ng FB account sa mga device o gadget kung hindi na ginagamit.

Panawagan ng PNP-ACG na kapag nabiktima ng hacking ay agad itong i-report sa FB support team o sa himpilan ng pulisya sa kani-kanilang lugar.