DATING TUMIRA SA ABANDONADONG BANYO, SUMMA CUM LAUDE NG CENTRAL LUZON STATE UNIVERSITY

Nalimitahan man ang pangarap dahil sa kalagayan noon ng kanilang buhay at malayong matanaw ang magandang bukas ay patuloy sa pag-abot ng mithiin si Gerome Jacinto na nagtapos ng Bachelor of Science in Statistics, bilang Summa Cum Laude at Batch Valedictorian 2023 ng Central Luzon State University.

Ayon kay Gerome, sa murang isip niya ay inakala niya talagang mayaman sila dahil nakatiles ang pader ng kanilang bahay ngunit taliwas sa kanyang inakala na isa palang dating palikuran ang kanilang tinitirhan.

Pagbabahagi niya, kinalimutan ng kanyang mga magulang ang sarili nilang pangarap para mabigyan ng laban ang pangarap niya, dahil iba’t ibang trabaho ang pinasok ng kanyang ama at kinailangan namang mangibang bansa ng kanyang ina para magkatuwang na maitaguyod siya at maialis sa kinagisnan at nagsilbing tahanan nila sa loob ng sampong taon at ngayon ay nakatira na sila sa sarili nilang bahay sa Brgy. Licaong, Science City of Muñoz.

Noong magHigh School ay pinangarap daw niyang maging Pangulo ng Pilipinas dahil sa kanyang kagustuhang mabigyan ng pantay na karapatan ang bawat mamamayang Pilipino anuman ang estado sa buhay.

Ginusto din niyang maging abogado muna bago maging presidente ng bansa ngunit marami din aniya ang nagsabing tila masyadong mataas ang kanyang pangarap kumpara sa kinalalagyan niya noong mga panahong iyon.

Nang magkolehiyo ay sumubok din siyang maging iskolar ng Department of Science and Technology (DOST) dahil sa kagustuhan din niyang makapag-aral sa pinapangarap niyang unibersidad, ngunit hindi siya pinalad nung una.

Sa kabila nito ay natanggap naman siyang iskolar ng Pamahalaang Panglungsod ng Science City of Muñoz at ng Provincial Government ng Nueva Ecija at dahil consistent ang matataas na grado ay naging University scholar.

Pansamantala mang namatay ang dati nitong mga pinangarap ay haharapin na muna niya ang bukas bitbit ang panibagong pangarap na makatulong sa kanyang mga magulang ngayong siya ay nakagraduate na sa kolehiyo.

Nagpasalamat naman si Gerome sa mga naging kasangkapan upang mabigyan siya ng oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo, kabilang si Governor Aurelio Umali na kumalinga sa kanya.