NONITO DONAIRE JR, TALO SA MEXICANONG SI ALEJANDRO SANTIAGO
Bigo si four-division world men’s pro boxing champion Nonito Donaire Jr. na mabawi ang bakante at dating pag-aaring World Boxing Council bantamweight title kontra kay Mexican Alejandro Santiago sa 12-round unanimous decision loss noong Sabado (Linggo sa Manila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Walang nakuhang panalo ang 40-anyos na Fil-Am sa tatlong huradong sina Max De Luca (113-115), Chris Migliore (112-116) at Steve Weisfeld (112-116), na pinaboran lahat ang mas bata’t agresibong boksingero.
Ito na ang ikaapat na sunod na panalo ng Mehikano para mahablot ang unang titulo matapos sumala sa International Boxing Federation super-flyweight title kontra kay Jerwin Ancajas sa draw fight noong 2019.
Bagamat disappointed si Donaire sa kanyang pagkatalo at maibalik ang kanyang dating titulo ay nagpapasalamat parin siya sa kanyang mga supporter, at deserved naman umano ang pagkapanalo ng Mehikano.
Ito rin ang unang laban ni Donaire sa 13 buwang pagkabakante makaraan ang malagim na na pagkatalo sa second round TKO kay dating unified World Boxing Council/World Boxing Organization junior featherweight kingpin Naoya Inoue ng Japan nung Hunyo 2022.
Hinirit pa ang tubong Talibon, Bohol na hindi pa siya magreretiro dahil marami pang natitirang lakas para sumabak sa laban. Pero aminadong hindi niya nasunod ang kanyang game plan dahil hindi niya naipatama ang pamatay na knockout punch para kay Santiago (28-3-5, 14KOs).