NAUDLOT NA PANGARAP, NATUPAD NG 56 ANYOS NA GINANG NA GRUMADWEYT NG ALS

Hirap man sa paglalakad ay sinikap ng otsentay kwatro anyos na senior citizen na umakyat ng entablado upang samahang abutin ang diploma ng kanyang singkwentay sais anyos na bunsong anak na si Jessica Eraña na nagtapos ng Alternative Learning System (ALS) Program ng Department of Education.

Naging emosyunal na tagpo ang graduation sa Junior High School ni Jessica para sa kanila ng kanyang ina at ng kanyang anak na kasabay din nitong nagtapos ng ALS.

Ayon kay Jessica, bilang isang ina ay pinangarap niyang makita ang kanyang anak na umakyat ng stage upang abutin ang diploma, gayundin naman ang pangarap ng kanyang ina para sa kanya.

Pero nang makapag-asawa ng maaga ay hindi na naisip ni Jessica na makakapagtapos siya ng pag-aaral na natigil noong siya ay 3rd year High School pa lamang.

Kinailangan na din kasi nitong kumayod para maitaguyod ang anak kaya nagsumikap na lamang siyang magtrabaho para ang pangarap na hindi niya natupad sa kanyang sarili ay matupad niya sa kanyang mga anak.

Sa kanyang pagsusumikap ay nakapagtapos ang kanyang dalawang anak ng kursong Nursing habang ang kanyang bente uno anyos na bunsong anak na lalaki ay nahinto din sa pag-aaral dahil sa naranasang pambubully.

Aniya, dumaan sa traumatic experiences ang kanyang anak noong nag-aaral dahilan kung bakit nawalan ng gana at natakot na itong magpatuloy sa pag-aaral.

Ngunit sa tulong ng manugang ni Jessica na nag-aral din sa ALS ay inirekomenda ito sa kanilang mag-ina, na sa una ay tinanggihan niya dahil sa pag-aalinlangan at hiyang nararamdaman dahil sa kanyang edad.

Proud din si Jessica at kanyang nanay nang isabit ng kanyang ina ang kanyang medalya bilang may Mataas na Karangalan dahil sa grade na 91.11.