BAM AQUINO AT GP PARTY-LIST, NANGUNGUNA SA HALALAN SA NUEVA ECIJA
Patuloy ang bilangan ng mga boto sa lalawigan ng Nueva Ecija, kung saan malinaw na lumalamang si Bam Aquino ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) sa laban para sa Senado, habang nangunguna rin ang GP Party-list sa hanay ng mga party-list group, batay sa pinakahuling partial at unofficial results na inilabas ngayong Mayo 14, 2025, alas-1:30 ng hapon.
Nangunguna si Aquino sa senatorial race matapos makapagtala ng 555,761 boto. Sumusunod sa kanya si Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na may 478,062 boto, habang nasa ikatlong pwesto si Bong Go ng PDP-Laban na may 475,820 boto.
Kasama rin sa Top 12 sa lalawigan sina Erwin Tulfo ng LAKAS na may 450,521 boto; Ping Lacson (independent) na may 442,379 boto; Lito Lapid ng NPC na may 409,498 boto; Ramon “Bong” Revilla Jr. ng LAKAS na may 393,357 boto; Kiko Pangilinan ng Liberal Party na may 386,455 boto; Benhur Abalos ng Partido Federal ng Pilipinas na may 382,340 boto; Pia Cayetano ng Nacionalista Party na may 362,452 boto; Imee Marcos ng Nacionalista Party na may 352,301 boto; at Ben “Bitag” Tulfo (independent) na may 351,885 boto.
Samantala, sa botohan para sa party-list, nangunguna sa Nueva Ecija ang GP Party-list na may 308,303 boto o katumbas ng 31.30 porsyento ng kabuuang boto sa lalawigan. Pumapangalawa ang Akbayan na may 69,487 boto (7.06%) at sinundan ng Magbubukid na may 56,524 boto (5.74%).
Patuloy pa rin ang opisyal na bilangan ng boto sa buong bansa, at inaasahang maglalabas ng karagdagang update ang Commission on Elections sa mga susunod na oras.