PONDONG MATATANGGAL SA FLOOD CONTROL, NAIS ILAAN NI SENATOR BAM SA PAGPAPATAYO NG MGA SILID-ARALAN
Kumpiyansa si Senador Bam Aquino na matutugunan ang mahigit 166,000 classroom backlog sa bansa sa pamamagitan ng kanyang panukalang Classroom-Building Acceleration Program o CAP Act, na layong pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.
Sa kanyang pagbisita sa Lakandula Elementary School at Dr. Adelaido C. Bernardo High School sa Mabalacat City, Pampanga, sinabi ni Aquino na nakita niya mismo ang sitwasyon ng mga paaralang kulang sa silid-aralan at gumagamit pa ng mga pasilidad na sira na.
Dagdag pa ni Aquino, mahalagang masiguro na ang pondo para sa edukasyon ay nagagamit nang tama.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at NGOs upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Kasabay nito, iminungkahi rin ng senador na bawasan ang bahagi ng flood control budget upang mailaan sa sektor ng edukasyon.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), ang CALABARZON ang may pinakamalaking classroom shortage na aabot sa 31,010 o 18.7 porsyento ng kabuuang bilang. Kasunod nito ang NCR na may 24,816 (15.0%), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 13,235 (8.0%), Central Luzon na may 13,070 (7.9%), at Central Visayas na may 12,574 (7.6%).
Samantala, todo suporta naman ang DepEd sa panukalang CAP Act. Ipinahayag ni Education Secretary Sonny Angara na makatutulong nang malaki ang panukala sa pagbawas ng classroom deficit.
Tiniyak naman ni Aquino na isusumite ang committee report para sa CAP Act sa plenaryo sa mga susunod na linggo at umaasa siyang maipapasa ito bago matapos ang Disyembre.
Kung maisasabatas, bibigyan ng karagdagang manpower ang DepEd para sa mas mahigpit na monitoring, habang ang LGUs at NGOs ay makatatanggap ng sapat na tulong upang makapagtayo ng mga silid-aralan alinsunod sa pambansang pamantayan.