PHP 3-BILYONG DAGDAG PONDO KONTRA MALNUTRISYON, MALIIT UMANO KUMPARA SA TRILYONG NANAKAW DAHIL SA KORAPSYON

Hinimok ni Senador Bam Aquino ang pamahalaan na dagdagan ang pondo para labanan ang malnutrisyon sa bansa.

Paliwanag ng senador, kulang pa rin ang kasalukuyang suporta ng gobyerno para sa batang hindi nakakakain ng sapat.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong September 18, 2025 iginiit ni Sen. Aquino na Php 3 bilyon lang ang kailangan para madagdagan ang DepEd feeding program mula Php120 hanggang Php 150 araw. Makikinabang aniya dito ang tatlong milyong severely wasted o malnourished at wasted o undernourished na mga batang Pilipino.

Binigyang-diin pa ni Aquino na maliit na halaga lang ang P3 bilyon, lalo na’t trilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa katiwalian.

Dagdag ng senador, malaking banta ang malnutrisyon sa kinabukasan ng mga kabataan at ng buong bansa. Kaya naniniwala siyang dapat maging prayoridad ng gobyerno ang kapakanan ng mga bata.

Batay sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), isa sa bawat apat na batang Pilipino na edad lima pababa ay nakararanas ng stunting o pagkabansot. Mula taong 2000 hanggang 2020, 26.7% ng mga bata ang naapektuhan nito na may pangmatagalang epekto sa kanilang pag-aaral at tagumpay sa buhay.

Paliwanag ng mga eksperto, ang stunting ay resulta ng matagalang malnutrisyon na hindi lamang nakakaapekto sa pisikal na paglaki kundi pati na rin sa pag-unlad ng kaisipan, kalusugan, at pagiging produktibo.

Pitong taon na ang lumipas mula nang maging batas ang “Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act” na inakda ni Aquino. Pero aniya limitado pa rin ang implementasyon nito dahil sa kakulangan ng pondo.

Ngayong taong 2025, may budget na P11.77 bilyon ang School-Based Feeding Program (SBFP) ng DepEd.

May panukala na itaas ito sa P14 bilyon sa taong 2026 para mas masakop ang mahigit 15 milyong bata mula Kindergarten hanggang Grade 6.