Isinusulong ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang Senate Bill 1330 o National Budget Blockchain Act na layong gawing transparent, traceable, at accessible sa publiko kung saan napupunta ang pera ng gobyerno gamit ang blockchain technology.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng transaksyon ng gobyerno mula sa paglalaan ng pondo hanggang sa aktwal na paggastos ay ilalagay sa isang digital record na hindi puwedeng baguhin o burahin.

Sa pamamagitan ng blockchain, makikita ng taumbayan kung saan talaga napunta ang pera, kung magkano ang ginastos, sino ang contractor, anong materials ang ginamit, at kung natapos nga ba ang proyekto.

Ayon kay Aquino, malaking hakbang ito laban sa korapsyon, lalo na sa mga “ghost projects” na madalas umanong nakikita sa flood control initiatives.

Giit niya, kung hindi nasayang ang pondo sa mga ganitong proyekto, sana ay naitayo na ang higit 166,000 kakulangan sa silid-aralan sa bansa.

Ang sistema ay ipatutupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kasama ang Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA).

Kapag naisabatas, tiwala si Aquino na magiging kauna-unahan ang Pilipinas sa Asya na gagamit ng modern technology para sa open-budget governance, at mas mapapalakas nito ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.