MATAAS NA GRADE, SUKLI NG ANAK SA DALAWAG DEKADANG SAKRIPISYO NG NANAY NYANG OFW

Sulit ang dalawang dekada ng pagod at sakripisyo sa paghahanap buhay sa Middle East para kay Emilita Ison ng Brgy. Marawa, Jaen, Nueva Ecija dahil hindi lamang nakatapos ang kanyang anak sa kolehiyo kundi tumanggap pa ito ng karangalan.

Umuwi ng Pilipinas si Emelita para samahan ang pangalawang anak na si Missy Ison na nagtapos ng Bachelor of Science in Medical Technology sa Far Eastern University bilang Cum Laude.

Ayon kay Emelita, bilang magulang ay ninais nilang makatapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak upang hindi nila danasin ang hirap ng buhay tulad nilang namulat sa kahirapan.

Nakapagtapos man aniya silang mag-asawa ng kursong Nursing dito sa Pilipinas noong 1995 ay hindi sila nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho dahil sa matinding kompetisyon sa dami ng mga graduates, kaya naisipan nilang hanapin ang kapalaran sa ibang bansa.

Mahirap man sa kanilang kalooban na mawalay sa mga anak ay kinailangan nilang magsakripisyo at magsumikap at kalaunan naman ay nakasama din nila ang kanilang tatlong anak sa Qatar na nag-aral doon mula elementarya hanggang sekondarya.

Sa loob ng labing limang taon na pagsasama-sama nilang pamilya sa Middle East ay kinailangang umuwi ng Pilipinas ng tatlong bata upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.

Malaki din ang naging adjustment para kay Missy nang umuwi siya ng Pilipinas dahil panibagong kapaligiran at mga tao ang kanyang pakikisamahan at kinailangang mamuhay ng mag-isa.

Sa kabila ng paninibago ay hindi nagpabaya si Missy bagkus ay pinagbuti pa dahil sa mahal na matrikula sa eskwelahan at nasaksihang hirap ng kanyang mga magulang sa pagtatrabaho mabigyan lamang sila ng magandang kinabukasan.