PANGANAY NA KAPATID NG ISANG PASTOR, NAGING INSPIRASYON UPANG MAPALAPIT SA PANGINOON
Inspirasyon ng isang Pastor ang kaniyang panganay na kapatid pagdating sa pananampalataya, paglilingkod at tungkulin Sa Panginoon.
Ibinahagi ni Pastor Ricky Cruz mula sa Rizal, Nueva Ecija sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman, na sampo silang magkakapatid at ang kanilang panganay na kapatid ang unang napalapit sa Ministry.
Madalas aniya itong wala sa kanilang tahanan, sapagkat nananampalataya sa Panginoon, at pagdating sa hapag-kainan, ay ito lamang ang bukod tanging nagdarasal.
Hindi umano pabor ang kanilang ina sa ginagawa ng kaniyang kapatid, dahil palagi itong ginagabi kaya’t pinalayas ito sa kanilang tahanan.
Ngunit nagpatuloy pa rin ang kaniyang kapatid sa Ministry sa kabila nang pagtutol ng kanilang ina.
Kwento ni Pastor Ricky, nagkaroon siya ng karamdaman noong siya ay labing-tatlong taong gulang pa lamang at sinabi ng Doctor, tanging himala na lamang ang makakapagligtas sa kaniya.
Matapos gumaling ni Pastor sa tulong ng panalangin ng kaniyang kapatid at kasamang Pastor nito, ay hindi lamang siya ang nakumbinsi na maglingkod Sa Panginoon, bagkus ay ang buo niyang pamilya.
Sa kasalukuyan ay mayroon na siyang sariling pamilya at itinuturing niya na pinakamagandang biyaya ang makita ang asawa kasama ang mga anak nila na naglilingkod Sa Diyos.
Ibinida rin ng Pastor na sa kasalukuyan ay masasabi niyang nasa 8% na puntos kung gaano siya pinagpala, sapagkat mayroon pa rin siyang mga panalangin at kabilang rito ang panalangin niya para sa mga kasamahan na naglilingkod Sa Panginoon.