KASO NG DENGUE SA NUEVA ECIJA, BUMABA NG HALOS 200 KATAO
Bumaba ng halos 200 katao ang kaso ng Dengue sa Nueva Ecija kahit tag-ulan na ngayong taon.
Batay sa datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Provincial Health Office, may kabuuang bilang na 1, 657 dengue cases ang naitala mula Enero 1 hanggang July 10, 2023 na mas mababa kumpara sa 1, 842 kaso base sa parehong panahon noong 2022.
Ang lungsod ng Cabanatuan, Gapan City, San Leonardo, Talavera,, Guimba, Cabiao, Jaen, Santa Rosa, San Antonio at General Natividad ay kabilang sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng Dengue sa lalawigan.
Dagdag pa rito, may tatlong pasyente ang nasawi sa nasabing sakit kung saan naitala ito sa Gapan City, Guimba at Zaragoza.
Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josie Garcia, karamihan sa mga dinapuan ng naturang virus ay mga nasa edad 10 taong gulang pababa na may 743 kabuuang kaso, sinundan ng 11 to 20 years old na may 372 dengue cases at ang 21 hanggang 30-anyos ay may 208.
Upang makaiwas sa dengue, payo ng PHO sa kanilang mamamayan na panatilihin ang kalinisan sa kani-kanilang lugar at tahanan gayundin, makatutulong na sundin ang 5S:
- Search and destroy – hanapin at linisin ang mga lugar na may nakaimbak na tubig na posibleng pamugaran ng mga lamok.
- Seek early consultation- agad magpakonsulta sa doctor o sa inyong Barangay Health Workers kung may naramdamang sintomas gaya ng mataas na lagnat, rashes, pagsusuka, pananakit ng kasu-kasuan at pagtatae.
- Secure self-protection – magsu-ot ng matataas na manggas ng damit o gumamit ng anti-repellant.
- Support fogging – gagawin lamang ang pagpapaaso kung kinakailangan
- Sustain hydration – panatilihin ang pag-inom ng rehydrating solution.