GRADE 1 PUPILS, TUTURUANG MAGBASA NG COLLEGE STUDENTS
Nagsanib-pwersa ang Department of Education at Department of Social Welfare and Development upang mas paigtingin ang pagkatuto ng mga bata na nahihirapang makabasa o hindi pa talaga marunong magbasa.
Sa ilalim ng “Tara Basa” program ng DSWD, tuturuan ng 6,000 junior at senior college students at 63,000 Grade 1 pupils mula sa 490 paaralan sa buong National Capital Region.
Sinabi ni DSWD spokesperson Rommel Lopez, hahanap sila ng mga financially challenged o mahihirap na college students mula sa mga piling state universities sa Metro Manila upang lumahok sa pilot implementation ng programa na magsisimula sa August 14 hanggang November 2023.
At bilang kapalit sa naging serbisyo nila bilang youth development worker ay susweldo sila ng P500 kada araw sa loob ng dalawampung araw na pagtuturo sa sampung mag-aaral sa ilalim ng reformatted educational assistance ng DSWD.
Upang mahikayat naman ang mga magulang na isali ang kanilang mga anak sa programa ay mag-aalok ang DSWD ng cash assistance na P235 bawat isa para sa pag-attend sa mga teaching sessions. Sa ganitong paraan, ang mga magulang ang magsisilbing nanay-tutors sa kanilang mga anak sa tahanan.
Ayon sa DepEd, pilot test pa lamang muna ang gagawin sa NCR. Kapag naging successful at epektibo ay mas palalawigin pa nila ito at i-implement sa ibang bahagi ng bansa o maaaring nationwide na.