PURA LUKA VEGA, DINEKLARANG ‘PERSONA NON GRATA’ SA NUEVA ECIJA

Pinukpukan sa 31st Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na nagdedeklara sa kontrobersiyal na drag artist na si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente, bilang persona non grata sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Nilalaman ng resolusyon na marami sa mga mananampalatayang Kristiyano ang nasaktan sa opensibong kilos ni Pura Luka Vega dahil sa paggaya nito kay Hesukristo sa kanyang drag art performance at paggamit sa remix version ng dasal na “Ama Namin” bilang background music.

Ginamit din nito sa isang performance ang kanta ni Gary Valenciano na “Natutulog Ba Ang Diyos” habang gumaganap bilang si Jesus Christ.

Marami rin ang hindi natuwa sa Ostiya review ni Pagente sa kanyang TikTok account.

Bilang malaking bahagi ng populasyon sa Pilipinas ay mga Kristiyano na nasa 78.8% ay marami ang nasaktang relihiyosong damdamin dahil sa ginawa ni Pura Luka.

Sinabi ni Bokal Nap Interior, na tumayo bilang Presiding Officer, na kahit hindi mga katoliko ay mahalaga dapat na respetuhin ang iba’t ibang paniniwala sa relihiyon at ang naging kilos ni Pura Luka ay hindi naaangkop sa paniniwalang katoliko.

Bagaman kinikilala naman ani Bokal Eric Salazar ang kalayaan sa pagbibigay ekspresyon at sining ang ganitong uri ng gawi ay tahasang paglapastangan sa Poong Hesukristo at paniniwalang Kristiyano.

Nauna nang dineklarang ‘persona non grata’ si Pagente ng Municipal Council ng Negros Occidental, ng General Santos City at ng munisipalidad ng Floridablanca sa Pampanga.