PAGPIPINTA, NAGING INSPIRASYON AT PAG-ASA NG ISANG TEACHER

Ikinuwento ni Teacher Reych Joson ng Malikhain Art Studio sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman ang kaniyang mga pinagdaanan at kung paano niya nakamtam ang hinahangad na kasiyahan sa buhay.

Ayon kay Teacher Reych, dati siyang nagtrabaho sa coffee shop sa loob ng pitong taon at nagtrabahong muli ng anim na taon sa ibang korporasyon.

Ngunit, dahil sa pandemya ay maraming establisyimento ang nagsara at isa siya sa mga nawalan ng trabaho.

Hindi lamang umano ang kaniyang trabaho ang naapektuhan, bagkus ay pati na rin ang kaniyang mental health.

Ibinida rin ni Teacher Reych na lumaki siya sa pamilya ng mga Kristiyano, ngunit noong nagkaroon siya ng trabaho ay nawalan siya ng oras sa paglilingkod sa simbahan.

Kaya sa kabila ng hindi magandang naging epekto ng pandemya, itinuturing niya pa rin ito bilang biyaya at plano ng Diyos, sapagkat nahanap niya ang kaniyang hilig at nagkaroon din siya ng oras upang mapalapit sa Panginoon.

Ipinagpapasalamat din ng painter ang kaniyang mga kaibigan at kasamahan sa simbahan sapagkat naging daan ang mga ito upang siya ay tuluyang sumunod at maglingkod sa simbahan.

Sa kasalukuyan, ay isa na siyang Painter at Arts Teacher ng Malikhain Art Studio na siya niyang ipinagpapasalamat sapagkat hindi lamang financially, mentally at socially siya natutulungan nito, kundi nagiging daan din ang kaniyang studio para matulungan ang mga mamamayan na may karamdaman at nangangailangan ng tulong.