MGA BAGONG PLAKA NG MOTOR, 4-WHEELS NA SASAKYAN, PINAPAKUHA NA NG LTO CABANATUAN
Simula nakaraang linggo ay tuloy-tuloy na ang releasing ng mga bagong plaka ng mga motorista dito sa LTO Cabanatuan City District Office.
Ayon kay LTO district head ng Cabanatuan na si Rosalie Escuadro nasa 12K ang dumating na replacement plate sa kanilang tanggapan na naka registered noong 2015 para sa mga 4 wheels na mga sasakayan.
Ganon din ang mga bagong plaka ng mga motorsiklo na narehistro noong 2019 ay available narin. Kaya pakiusap ni Escuadro na kung maaari ay kunin na nila ang kanilang mga bagong plaka.
Maaari rin umanong mag inquire online sa kanilang Facebook page na lto.gov.ph o di kaya magsadya mismo sa kanilang tanggapan para sa mga replacement plate.
Para naman sa mga registered ng 2019 ay kunin na nila sa mga dealer kung saan nila binili ang kanilang sasakyan.
Sa ngayon halos nasa 60% na ng mga plaka ang naipamigay ng LTO Cabanatuan at inaasahang maibibigay na lahat ng ito bago matapos ang buwan ng Agosto.
Samantala,
Kung dati ay naghihintay ang mga motorista sa backlog ng license plate sa Land Transportation Office (LTO) ngayon naman ay nabaligtad ang sitwasyon dahil nagbabala ang ahensya ng parusa laban sa mga hindi pa nagki-claim ng kanilang plaka.
Binigyan ng LTO ng 60 araw na palugit ang mga may-ari ng sasakyan para i-claim ang kanilang mga bagong plaka at kapag nabigo ang mga ito ay maaari silang parusahan.
Ayon kay LTO Chairman Atty. Vigor Mendoza II, maglalabas sila ng memo ngayong linggo na naka-address sa kanilang mga regional director para ihatid ang mga license plate sa mga may-ari nito sa loob ng susunod na 60 araw.
Aniya, kasalukuyang kinokonsulta na nila ang mga regional director kung magiging sapat na ang 60-araw. Pero naniniwala aniya siyang sapat na ito dahil hindi lahat ng lugar ay may malalaking volume ng hindi pa na-claim na mga plaka.
Binanggit din ng LTO chief na mayroon ding mga plaka na naiipit sa mga dealer kung saan nakuha ang mga sasakyan.
Sinabi ni Mendoza, kung ang mga plaka ay hindi na-claim pagkatapos ng 60 araw, bukod sa mga may-ari ay maaari ring patawan ng parusa ang mga dealer ng sasakyan.
Kaugnay nito, inirekomenda naman ni Senador Francis Tolentino sa LTO na ikansela ang certificate of registration (CR) ng mga may-ari ng sasakyan na mabibigong kunin na ang kanilang plaka para mabawasan ang backlog ng ahensya.