GOLD MEDALIST MILLERY SUBIA, GINAWARAN NG NATIONAL WOMAN MASTER TITLE

Opisyal nang iginawad ng National Chess Federation of the Philippines ang National Woman Master Title sa sampong taong gulang na Novo Ecijanang si Millery Gen Watson Subia, noong August 7, 2023.

Nakuha nito ang naturang titulo dahil sa pagkakasungkit ng gold medal sa 21st Asean Age-Group Chess Championship noong Hunyo na ginanap sa Bangkok, Thailand.

Kinilala din si Millery sa naganap na kompetisyon sa Bangkok ng Thailand Chess Association at ng Asean Chess Confederation bilang Woman Candidate Master.

Natutong maglaro ng chess si Millery noong 2020 sa pamamagitan ng kanyang ama na si Dr. Gener Subia na title holder bilang Arena Fide Master.

Sa nauna nang panayam ng TV48 kay Millery ay sinabi nitong nais din niyang makuha ang Woman Fide Master.

Bilang representante ng Region III ay nakakuha naman si Millery ng Bronze medal sa Palarong Pambansa 2023.