SICSICAN SA TULAY NG TALAVERA, LULUWAG NA SA SETYEMBRE- DPWH REGION 3

Minamadali nang tapusin ang Calipahan-Sicsican Bridge sa San Pascual Talavera upang maabot ang target deadline ng DPWH Region 3 na mabuksan ito sa katapusan ng kasalukuyang buwan ng Agosto at tuluyan nang madaanan sa Setyembre ngayong taon.

Matatandaan na kinalampag ni Governor Aurelio Umali ang kinauukulan upang tapusin na ang mga nakabinbing pagawaing-proyekto tulad ng mga tulay at kalsada sa buong lalawigan para mapakinabangan sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno patungo sa mga mamamayan.

Napag-alaman na ang budget ng Sicsican parallel Bridge ay nagkakahalaga ng mahigit Php122.2-million mula sa national government.

Sinimulang gawin ang tulay noong June 14, 2018 ng mga contractor din ng bagong tulay ng Valdefuente sa Cabanatuan City na Rebcor at Christian Ian Corporations.

Ayon sa DPWH Region 3, nadelay ang pagpapagawa nito dahil sa isyu sa right of way at paglundo ng ilalim ng tulay.

Nunit naresolba na umano ang problema sa may-ari ng lupa na nasakop ng tulay, at dumating na noong nakaraang buwan ng Hulyo ang mga materyales na binili abroad kaya inaayos na ang ilalim ng tulay at inaasahang matatapos sa katapusan ngayong buwan.

Samantala, maging ang konstruksyon ng Gen. Luna parallel bridge na mas kilalang bagong tulay ng Valdefuente sa Cabanatuan City ay tuloy na rin.

Paliwanag ni Jayson Jauco, OIC Chief ng Construction Division ng DPWH Region 3, pumayag na sa presyo ang may-ari ng loteng kinatitirikan ng ancestral house na masasakop ng approach B sa Mayapyap Sur kaya iniurong na ang expropriation case kaugnay nito.

Nangako ang DPWH na habang ginagawa ang tulay ay tatambakan ang kalahati ng approach nito para madaanan ng mga motorista upang lumuwag ang trapiko.

Inaasahang makukumpleto ang kabuuan ng bagong tulay ng Valdefuente sa loob ng tatlong buwan basta maganda raw ang panahon at hindi maaabala ng pag-uulan.

Ako po si Philip ‘Dobol P’ Piccio nag-uulat para sa Balitang Unang Sigaw!