KAI SOTTO, MALABONG MAKAPAGLARO SA TEAM GILAS KAPAG WALANG MEDICAL CERTIFICATE
Posibleng hindi palalaruin ang 7-foot-3 big man na si Kai Zachary Sotto sa Gilas Pilipinas sa nalalapit na 2023 FIBA World Cup hanggang wala umano itong medical clearance.
Ito ang inaasahan matapos ihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na kinakailangan nitong ipatupad ang ‘no medical clearance, no play’ sa miyembro ng koponan na si Sotto.
Ayon kay SBP director of operations at team manager Butch Antonio hindi ito madedesisyunan hangga’t hindi nakakatanggap ang kanilang mga doktor ng kopya ng MRI o mga medikal ni Kai na nagpapahintulot sa team na patunayang siya ay 100 porsiyentong fit na makapaglaro.
Ang pahayag ng SBP ay lalong nagpalabo sa paglalaro ni Sotto dahil sa “contract impasse” sa pagitan ng samahan at sa kampo ng manlalaro kung saan 10 araw na lamang ang natitira para sa pagho-host ng bansa sa torneo.
Bagaman pinapayagan na mag-ensayo si Sotto sa Gilas, sinabi ng SBP official na hindi pa rin ipinapakita ng kampo ni Sotto ang MRI paperwork na ipinangakong dadalhin nitong Huwebes.
Dagdag pa ni Antonio, nais nilang ipakita sa mundo si Kai. Pero gusto rin nila na maging fit ito sa paglalaro at ma-maximize ang haba at karanasan na dinadala niya sa Gilas Pilipinas,
Kinakailangan ang medical clearance ni Sotto para sa Samahang Basketbolista ng Pilipinas upang maiwasan ang anumang legal at medikal na pananagutan sakaling ang dating Ateneo high school star ay magtamo ng isang malaking pinsala sa World Cup. Kaya kung wala itong MRI document o medicals ay hindi makakasama si Sotto.
Matatandaan na bumalik si Sotto sa Maynila noong Hulyo 19 kasunod ng isang stint sa Orlando Magic sa NBA Summer League, na iniinda ang back pain.
Makakalaban sa FIBA WORLD CUP ng Pilipinas ang mga sumusunod:
Dominican Republic
August 25, 8PM sa Phil Arena
Angola sa Aug. 27, 8pm sa Araneta Coliseum
Italy sa Aug. 29, 8pm sa Araneta Coliseum