CLSU-MAESTRO SINGERS, HUMAKOT NG 6 NA PARANGAL SA 5TH TOKYO INTERNATIONAL CHOIR COMPETITION
Nag-uwi ng panibagong karangalan para sa lalawigan ng Nueva Ecija at maging sa bansa ang Central Luzon State University-Maestro Singers na humakot ng anim na mga parangal sa 5th Tokyo International Choir Competition na ginanap sa Tokyo, Japan noong Hulyo 28-30, 2023.
Nasungkit ng grupo dahil sa kanilang kahanga-hangang pagtatanghal ang Gold Prize sa Youth Choir at Contemporary Music categories, Best Interpretation in Compulsory Piece, Big Wave Award for Most Promising Choir of the Year, Audience Prize Award at Silver Prize sa Video Presentation category.
Ang kompetisyon ay nilahukan ng anim napu’t siyam na choir groups mula sa mga bansang Singapore, Hongkong, Indonesia, Japan, Philippines, Taiwan, China, Republic of Korea at Denmark.
Nakuha ng CLSU-Maestro Singers na binubuo ng tatlumpo’t isang miyembro na pinamumunuan ng kanilang conductor na si Dr. Florante P. Ibarra, ang Gold Prize Award para sa Youth Choir Category dahil sa ipinamalas nilang bersyon ng Hard by a Crystal Fountain, Joy, and Symbolum Nicaenum (credo) na nakakuha ng 92.38 na puntos.
Ang mga awitin namang Cast Thy Burden Upon the Lord, Dreams of the Dreamer, I Am Not Yours at Gapas ang naging daan para sa ikalawang Gold Prize ng grupo para sa Contemporary Music Category na nakakuha ng 91.64 points.
Samantala, nakakuha din ng Gold prize para sa Folklore Music at Youth Choir categories, Audience Choice Award at 3rd Placer sa Youth Choir category ang Tarlac State University Chorale habang ang Concourse Singers naman ay nagwagi bilang 1st placer sa Video Presentation Category.
Ginaganap taun-taon ang Tokyo International Choir Competition na itinatag noong 2018 at suportado ito ng Japan Agency for Cultural Affairs.