10 ANYOS NA NOVO ECIJANA, KAKATAWANIN NG PILIPINAS SA EURASIAN SPELLING BEE SA POLAND

Kakatawanin ng sampong taong gulang na si Gabrielle Louise Palomo De Vera ng Cabanatuan East Central School ang Pilipinas matapos na makakuha ng Gold sa Semi Finals ng Eurasian Spelling Bee at sasabak sa Final Round sa Poland sa darating na buwan ng Nobyembre.

Ayon kay Roda Marie Palomo, taga Bantug Norte, Cabanatuan City at ina ni Gabrielle, ito na ang pangatlong taon ng kanyang anak sa pagsali sa naturang kompetisyon kung saan nagsimula siyang sumalang sa patimpalak noong siya ay Grade 2 pa lamang.

Sa unang sabak ni Gabby sa spelling bee ay nasungkit nito ang kampeonato, sa ikalawang taon naman ay nakakuha ito ng Silver at umaaasa silang ngayong taon ay mababawi nito ang Gold.

Naniniwala si mommy Roda na bigay galing sa Diyos ang talento ng kanyang anak na sa murang edad pa lamang ay natuto na kaagad magbasa ng libro at ngayon ay nag-eexcel sa pagsali sa mga kompetisyon.

Kwento ni mommy Roda hinahayaan nitong magdesisyon si Gabby sa mga sasalihan nitong kompetisyon dahil hindi lamang sa spelling ito magaling kundi maging sa Math, Science quiz bee at iba pang patimpalak.

Proud si mommy Roda dahil palaging nakakapag-uwi si Gabby ng karangalan sa kanilang tahanan dahil consistent Top 1 ito sa kanilang klase at mas proud pa dahil ang karangalang nakakamit ng anak ay hindi na lamang nalilimitahan sa loob ng tahanan kundi maging sa bansa.

Sa kabila ng mga tagumpay ni Gabby ay hindi nila hinahayaang manakaw sa kanya ang saya ng pagiging bata dahil binibigyan din nila ito ng panahon para maglaro at ma-enjoy ang kanyang kabataan lalo na ngayong bakasyon.