QUOTA SYSTEM SA MGA PULIS, INALIS NA NG PNP
Tuluyan nang inalis ng Philippine National Police o PNP ang quota system para sa accomplishments ng mga miyembro nito.
Sa naging pahayag ni Deputy Chief for Administration Police Lt. General Rhodel Sermonia sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi nito na binuwag na ang quota system sa mga pulis sa direktiba ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. simula nang maupo bilang hepe ng pambansang pulisya.
Sa nasabing sistema, mayroong minimum number of arrests na kailangan ang mga pulis na maabot kada linggo bilang basehan ng kanilang performance at promosyon.
Dahil dito ay nape-pressure ang mga pulis dahil obligado silang magbigay ng maraming accomplishments kahit na humantong pa sa umano’y paggawa ng hindi tama.
Nilinaw naman ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na bagama’t tinanggal na ang quota system ay babantayan pa rin ng kapulisan ang police districts at kanilang hurisdiksiyon.
Binigyang-diin din ni Abalos na hindi tama na gumawa ng mali ang pulis para magkaroon lamang ng accomplishments.