PANGAMBA SA KALIGTASAN NG MGA RESIDENTE NG MANTILE, BONGABON, TUWING MAY KALAMIDAD, TUTULDUKAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Pangunahin umanong iniisip ni Kapitana Jovelyn Balangue bilang ina ng Brgy. Mantile, Bongabon, Nueva Ecija ang kaligtasan ng kanyang mga nasasakupan lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ayon kay Kapitana Jovelyn, tuwing may kalamidad ay kauna-unahan nitong pinoproblema kung saan dadalhin na mas ligtas na lugar ang kanyang mga kabarangay, kaya naman para masolusyunan ito ay humiling siya kay Governor Aurelio Umali ng pasilidad na maaari nilang magamit sa iba’t ibang panahon at pagkakataon.

Mapalad aniya silang maituturing sapagkat isa ang kanilang barangay sa nabiyayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng two storey multi-purpose building na matagal na rin nilang pinapangarap na gagamitin din nilang evacuation center at magsisilbing Bahay Pulungan ng mga namumuno sa barangay.

Prayoridad man ani Kapitana Jovelyn ang kanyang mga kabarangay ay bukas din naman daw sila sa mga residente ng karatig barangay kung sakaling kakailanganin din nila ng masisilungan kapag mayroong kalamidad.

Maliban pa aniya sa kasalukuyang itinatayong multi-purpose building ay dati na ring pinagkalooban ang kanilang barangay ng provincial government ng gymnasium, rescue vehicle at pinagawa ang ilang bahagi ng kanilang mga kalsada.

Sinabi naman ni Konsehal Jhing Lancer Sy na sa pamamagitan ng naturang proyekto ay mas magiging maluwang at komportable na ang kanilang gagalawan sa tuwing magkakaroon sila ng mga pagpupulong o sesyon sa barangay.

Kapwa nagpaabot ng pasasalamat sina Kapitana Jovelyn at Konsehal Jhing kina Governor Oyie at Vice Governor Anthony Umali dahil sa pagkakaloob sa kanila ng mga proyektong tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga kabarangay.