TANDEM NG DALAWANG NOVO ECIJANO, PUMANA NG SILVER SA ASEAN YOUTH ARCHERY CHAMPIONSHIP

Parehong nagkainterest sa paglalaro ng archery noong pandemya ang kapwa disisais anyos na sina Ivory Faith Novesteras at Miel Mckenzie Achilles Cipriano na ginawa lamang itong libangan noong una.

Sa katagalan ay humataw ang dalawa sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng Nueva Ecija at nag-uwi ng mga karangalan sa lalawigan.

Ang tandem ng dalawa ay nakasungkit ng Silver Medal sa Mixed Team sa Asean Youth Archery Championship na ginanap noong August 16-19, 2023 sa Cebu City.

Nakakuha din ng Bronze si Ivory sa Olympic Round at 4th placer naman sa Qualifying Round si Miel sa naturang patimpalak.

Bilang kinatawan ng Region III ay pumana din ang dalawa sa Palarong Pambansa 2023 kung saan naibulsa ni Miel ang limang gold habang tatlong silver at dalawang bronze naman kay Ivory sa tulong at paggabay sa kanila ng kanilang coach na si Michael Facundo.

Sa taon na ito humakot din ng mga parangal si Miel kabilang dito ang dalawang gold medal sa Open Division ng Manila Polo Club Archery Tournament noong Enero; Silver medalist under 18 sa Philippine Grass Root Tournament Leg 2 sa Bacolod City; limang gold medal sa Provincial Meet Archery Secondary Boys; limang gold, isang silver at isang bronze sa CLRAA Meet; at kasalukuyang 2023 Philippine #2 Rank Archers in Under 18 Division.

Ayon kay Miel mula sa pag-uumpisa sa pagsali sa mga kompetisyon ay mahalaga na matutunan ng isang manlalaro ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili kaakibat ang tamang pag-aalaga sa kalusugan at mahabang pasensya.

Hindi man palaging gold ang kanyang naiuuwi ay ang mahalaga aniya ay maging inspirasyon ang bawat pagkatalo upang mas matuto pa at gamitin ang mga natutunan sa mga susunod pang laban.

Pangarap ni Miel na makapagbigay pa ng maraming karangalan hindi lang sa probinsya kundi maging sa bansa at nais din nitong mapabilang sa National Team.