HIGIT 200K PERMANTENG POSISYON SA GOBYERNO, NANANATILING BAKANTE- CSC
Mahigit 200K plantilla positions o permanenteng trabaho ang nananatiling bakante sa gobyerno hanggang nitong June 30, 2023 ayon sa Civil Service Commission.
Sa budget hearing ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, sinabi ng CSC sa House Committee Appropriations na may 110,339 ang available na posisyon sa national agencies, 65,867 sa local government units, 12,131 sa government-owned and controlled corporations, 7,959 sa mga state universities and colleges at 7,758 sa local water districts.
Sa national government agencies, pinakamaraming vacant posts ang nasa Department of Education, mga korte, pulis, sa mga lugar ng General Santos City, Pasig City at Lanao del Norte.
At para naman sa government-owned and controlled corporations, makikita sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Postal Corporation at National Housing Authority ang ilan pang mga bakanteng posisyon.
Sa ginanap na Budget Hearing, kinuwestiyon ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma si CSC Chairman Karlo Nograles ang mahigit 200,000 na hindi pa napupunang mga posisyon sa mismong mga ahensya ng gobyerno gayong maraming mga Pilipino ang walang trabaho.
Depensa naman ni Nograles na nasa pagpapasya na ng heads ng mga ahensya ang pag-hire sa kanilang sariling personnel at mayroon din aniyang mga proseso na kailangang sundin kapag nagre-recruit ng mga manggagawa sa gobyerno gaya ng publications, qualifications at civil service eligibility.
Para ma-applyan ang mga plantilla position, kinakailangang ikaw ay pasado sa Civil Service Exam at may gradong 80 percent pataas para makapasok at makakuha ng mga permanenteng posisyon sa gobyerno.
Sa darating na September 18-22, 2023, ang CSC ay may nakatakdang online job fair alinsunod sa pagdiriwang ng ika-123 anibersaryo ng ahensiya.
Para sumali sa job fair ay bisitahin ang kanilang website csc.gov.ph at para i-verify ang resulta ng civil service exam ay pumunta lamang sa https://csevs.csc.gov.ph/user/eligibility.