PASTOR, NAHUBOG ANG RELASYON SA PANGINOON DAHIL SA SUNDAY SCHOOL CHILDREN MINISTRY

Ibinahagi ni Pastor Bernie Tanda mula sa General Natividad sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman ang kaniyang karanasan sa Sunday School at kung paano niya ipinapasa sa mga susunod na henerasyon ang kaniyang mga natutunan.

Pinahahalagahan ni Pastor Bernie ang Sunday School Children Ministry dahil doon siya nahubog at doon niya unang nakilala Ang Panginoon.

Subalit, noong pumanaw ang kaniyang ama ay nawalan na siya ng pag-asa.

Naging malaking dagok umano sa kaniyang buhay ang pagkawala ng kaniyang ama na sobrang malapit sa kaniya at itinuturing niyang sandigan.

Ayon kay Pastor, ay lumayo ang kaniyang loob sa ministry matapos mawala ng kaniyang ama na naging dahilan ng muntikan na niyang paglapit sa bisyo.

Ngunit, makalipas ang dalawang taon, ay kinausap siya ng kaniyang Pastor na siya na niya ngayong itinuturing na pangalawang ama, at doon niya nakitang muli ang pag-asa.

Isa rin sa naging dahilan nang pagbalik ng pananampalataya ni Pastor Bernie, ay dahil nataniman na umano siya ng mga salita Ng Diyos sa Sunday school noong maliit pa lamang, at naisip niya na kahit anong mangyari, kapag ang bata ay maagang naturuan ay babalik at babalik Sa Panginoon.

Ikinuwento rin ni Pastor na tunay na mahalagang maturuan ang mga kabataan ng Salita Ng Diyos habang bata pa, dahil kahit hindi nila maidala ang lahat sa kanilang paglaki, ay siguradong mayroon pa ring magiging bunga katulad ng karanasan niya.