NO RETURN, NO EXCHANGE, BAWAL SA BATAS; KARAPATAN NG MGA MAMIMILI ALAMIN!

Bawal sa batas ang magkaroon ng “no return, no exchange” policy. Ito ang paalala ng Department of Trade and Industry sa mga may-ari ng department stores, tiangge at tindahan dahil itinuturi itong mapaglinlang na gawain.

Sinabi ng DTI na hindi pwedeng ilagay ang mga katagang “no return, no exchange” sa ano mang kontrata, resibo o dokumentong nagpapatunay na may bentahan.

Ayon kay Romeo Eusebio Faronilo, Chief ng Consumer Protection Division, maaaring palitan ng isang establishment ang isang produktong may depekto ngunit hindi ito maaaring palitan o i-refund kung nagpalit lamang sila ng isip.

Aniya, sa ilalim ng Republic Act 7394, karapatan ng mga mamimili na ikumpuni, ibalik at i-refund ang mga produktong may sira na lalo na sa mga electronic devices.

Payo ng DTI sa mga consumers, kailangang may maipakita silang patunay na nagkaroon ng transaksiyon tulad ng official receipt at ugaliin ang pag-iinspeksiyon ng mga binibili at magtanong sa patakaran ng nagbebenta tungkol sa return at exchange.

Kung sakaling hindi napalitan ang depektibong nabili ay maaaring dumulog sa tanggapan ng DTI-Nueva Ecija na matatagpuan sa 2nd Floor, General Tinio Street, Brgy. Dimasalang, Cabanatuan City o kaya ay maaaring magmensahe sa kanilang facebook page DTI-Nueva Ecija.

Ang RA 7394 o mas kilala bilang Price Tag Law ay nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga mamimili laban sa mga pananamantala, gaano man kaliit o kalaki ang mga tindahan.