MGA MAY-ARI NG LUPANG NADAANAN NG CLLEX SA NUEVA ECIJA, ANIM NA TAON NANG NAGHIHINTAY NA MABAYARAN
Balak sanang gamiting pampagamot ng mga mata ni Pedro Abogado ang kita niya sa kanyang 3,000 square meters na bukirin na dati umanong umaani ng walumpong cavans ng palay na sinakop ng CLLEX phase 1 sa barangay Poblacion East 1, Aliaga.
Pero mabubulag na aniya siya ay hindi pa nya matanaw ang pag-asa dahil makalipas ang anim na taon ay hindi pa rin siya nababayaran ng buo sa Php70.00 per square meter na halaga ng kanyang lote.
Natuklasan ng TV48 na hindi lamang si Pedro ang pabalik-balik sa tanggapan ng DPWH para maningil, nag-aayos ng mga requirements, at nagbabayad pa rin hanggang ngayon taun-taon ng amilyar.
Dahil sa barangay Sta. Monica ay marami pa rin sa apatnapong magsasaka doon ang partial o kalahati lamang daw ang ibinayad sa kanila.
Nang bisitahin namin ang bahagi ng CLLEX sa San Juan, at San Eustacio Aliaga ay naabutan naming sarado pa rin ang mga ito at may ilan pang mga gumagawa doon.
Samantalang sa mga balitang ipinapalabas ng DPWH ay dapat nabuksan na ito ngayong kalahatian ng taong 2023.
Nakipag-ugnayan na ang TV48 sa DPWH-Unified Project Management Office na siyang may hawak ng CLLEX project dahil maging si Governor Aurelio Umali ay nais ding malaman mula mismo sa kanila ang kasagutan kung ano na nga ba ang estado ng proyektong ito? At kung kailan nga ba mababayaran ang mga magsasaka na nasakop ng CLLEX ang lupain?