SUMMA CUM LAUDE NG UNIVERSITY OF STO. TOMAS, TSAMBA BANG NAKAPASOK SA TOP 9 SA 2023 MEDTECH LICENSURE EXAM?
Palagi daw iniisip ng Novo Ecijanong si Leo Bert Orpilla, na nagtapos ng Bachelor of Science in Medical Technology sa University of Santo Tomas, na may karangalan bilang Summa Cum Laude, na tsamba o sinuswerte lang siya sa tuwing nakakakuha ng maliit o malaki mang achievements sa buhay.
Lumaki kasing walang bilib sa kanyang sariling kakayahan si Leo at palaging ninanais na subukin kung hanggang saan ang kaya niyang patunayan.
Nagbago ang mindset na ito ni Leo at napatunayang hindi lang tsamba ang lahat nang makapasa at makamit ang pagiging Top 9 sa 2023 MedTech Licensure Examination na may 91.80% na rating nitong Agosto.
Para kay Leo ang kagandahang naidulot sa kanya ng pagdududa sa sarili ay ang isiping palaging may puwang para sa improvement o sa mas ikagagaling pa niya hindi lang sa isang partikular na bagay kundi maging sa maraming bagay, at naturuan din siyang maging humble o mapagkumbaba at tahimik na kumikilos upang tuparin ang mga mithiin sa buhay.
Isa naman sa hinarap nitong pagsubok ay ang pressure na patuloy na maka-achieve ng mas mataas pa sa kung ano na ang narating o naabot niya.
Sa kabila nito ay labis naman ang pasasalamat ni Leo sa kanyang mga magulang dahil sa kabila ng kanilang mababang antas ng pamumuhay ay nagawa silang pagtapusing apat na magkakapatid sa kolehiyo.
Mensahe ni Leo sa mga kabataan na nangangarap at ayaw mag settle sa ok na ay doblehin dapat ang kanilang kayod at pagsisikap, samahan rin syempre ng pananalig sa Diyos.