LIBRENG INTERNET, IGINIIT NA IPATUPAD NA!
Mariing iginiit ni Senador Bam Aquino sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang agarang pagpapatupad ng batas para sa libreng internet access.
Bilang co-author ng Republic Act 10929 o Free Internet Access in Public Places Act, binigyang-diin ni Aquino na ang pagkaantala ng rollout na nagiging hadlang sa pag-angat ng ekonomiya at pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ng bansa.
Layunin ng Senador na matiyak na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga estudyante sa pampublikong paaralan ay magkaroon ng “libre, mabilis, at maaasahang internet access.”
Sa datos na ipinakita sa senado, lumalabas ang malaking agwat ng serbisyo. 2,872 lamang sa 58,121 pampublikong paaralan ang kasalukuyang konektado sa Free Wi-Fi program ng gobyerno.
Dagdag niya, mahalaga rin ang koneksyon upang makakuha ng impormasyon, balita at update para maging ligtas sa sakuna at banta ng mga kalamidad. Dahil sa kritikal na kakulangan ng koneksyon, nagtanong ang Senador sa mga telecommunication provider.
Ayon kay Aquino, nakapasa na ang batas, at ang kailangan na lang ay malinaw na master plan at sapat na pondo at gawin itong prayoridad para sa mabilis at epektibong implementasyon.
Hamon ni Aquino sa DICT, tiyakin ang sapat na budget para sa pagtatayo at pagpapanatili ng free Wi-Fi sites, lalo na sa mga pampublikong paaralan.
Ipakita sa publiko ang detalyadong plano kung paano at kailan aabot ang libreng internet sa bawat munisipalidad, kasama ang timeline at metrics. Unahin ang mga lugar na kulang sa serbisyo ng pribadong sektor at mga kritikal na institusyon tulad ng ospital, ahensya ng gobyerno, at terminal.
Nagpahayag naman ng suporta ang mga telecommunications firms na magbibigay ng diskwento sa DepEd para sa connectivity ng mga pampublikong paaralan.
Bilang tugon, nangako ang DICT na ikokonekta ang nalalabing 11,964 pampublikong paaralan sa kanilang libreng programa bago matapos ang taon.
Titiyakin din ng kagawaran na uunahin ang eskwelahan sa malalayong lugar o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).