SENSITIBONG BALITA:

GUN BAN, IPINATUTUPAD; MGA LUMABAG SA CABIAO, GUIMBA, SAN JOSE CITY, KINASUHAN

Kinasuhan ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) and the Omnibus Election Code of the Philippines ang tatlong katao na naaresto ng kapulisan sa iba’t ibang lugar sa Nueva Ecija.

Unang nadakip sa checkpoint sa bayan ng Cabiao noong August 29, 2023 ang isang 58-year-old tricycle driver na residente ng Brgy. San Vicente, dahil sa Caliber 38 revolver na nakasuksok sa bewang nito na wala umanong lisensiya, permit, at authority to carry.

Kasunod ang 53-anyos na driver ng ambulansiya na hinabol ng mga awtoridad sa bayan ng Guimba noong August 30, 2023 dahil hindi umano huminto sa checkpoint at nang maabutan ay nakuhanan ng Cal.45 pistol Colt Mark IV Series 80 na kargado ng mga bala.

At pangatlo ang tatlumpong taong gulang na lalaking residente ng Barangay Abar 1st, San Jose City na hinuli ng mga nagpapatrolyang pulis habang naglalakad ito bit-bit ang isang air gun at sampong piraso ng pellets.