SWELDO NG MAHIGIT 10,000 OFWs SA SAUDI ARABIA, MALABONG MAIBIGAY NGAYONG 2023?

Aminado ang Department of Foreign Affairs na malabong maibigay sa mahigit 10,000 displaced Overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia ang hindi pa nababayarang sweldo ngayong taon.

Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega sa joint congressional oversight committee hearing on migrant workers na hindi aniya makatotohanan para asahan na mabayaran ang unpaid wages base sa report ng Philippine Embassy sa Riyadh.

Partikular na naghihintay ng back wages ang OFWs mula sa construction firms sa Saudi Arabia na nagdeklara ng bankruptcy noong 2015 at 2016 dahil sa krisis sa ekonomiya ng bansa.

Nilinaw naman ni De Vega na ang kumpanya ang magbabayad sa mga OFW at hindi ang gobyerno ng Saudi.

Noong 2022, nangako naman ang Saudi Arabia government ng 2 billion riyals para sa mga natenggang sahod ng mga OFW.

Sa ikalawang state of the nation address ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaniyang inihayag na nangako si Saudi Arabia’s Prince Mohammed bin Salman na pinoproseso na ang unpaid salaries at iba pang kaugnay na claims ng nasa 14,000 OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya.

Nanindigan din si Department of Migrant Workers acting Secretary Bernard Olalia na malapit nang mabayaran ang mga OFW sa kanilang back wages dahil may isang high-ranking minister mula sa Saudi ang darating sa Pilipinas sa taong ito na magdadala ng balita patungkol sa mga claim ng manggagawang Pinoy.