NOVO ECIJANANG GINANG, WAGI SA MRS. PHILIPPINES ASIA PACIFIC 2023; MAGIGING REPRESENTANTE NG PILIPINAS SA MALAYSIA

Kukuha ng International Award ang kwarentay dos anyos na Novo Ecijanang Ginang na si Christine Esguerra bilang kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. Asia Pacific 2023, na gaganapin sa Malaysia sa darating na Disyembre.

Tinanghal si Ginang Christine bilang Mrs. Philippines Asia Pacific Global 2023 na isang Beauty Pageant ng Lumiere International Pageantry ng Singapore, na ginanap sa Okada Manila Casino Resort and Hotel noong Hulyo.

Bumisita si Ginang Christine noong Martes sa 34th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan upang hingin ang suporta ni Vice Governor Anthony Umali at mga bokal para sa ganitong mga patimpalak.

Ayon kay Ginang Christine, ang pagsali sa ganitong mga beauty pageant ay hindi lang para ipromote ang kagandahan ng mga kababaihan kundi paraan upang isulong ang kanilang mga adbokasiyang makatutulong sa mga komunidad.

Isa sa kanyang adbokasiya ang pagbibigay ng karapatan sa edukasyon para sa mga kabataan at maging sa mga katandaan dahil sa edukasyon aniya nagsisimula ang lahat ng mga propesyon.

Dati na ring Women Empowerment Advocate, modelo at sumasali sa mga fashionshow abroad si Christine na first time namang sumabak sa Beauty Pageant.

Makakasama ni Christine ang apat pang ginang na nagkamit din ng parangal sa Mrs. Philippines Asia Pacific 2023 Beauty Pageant na kakatawan din sa Pilipinas.