NUEVA ECIJA GOV. UMALI, PINARANGALAN NG OWWA DAHIL SA PATULOY NA PAGHAHATID NG SERBISYO SA MGA REPATRIATED AT DISTRESSED OFWs
Pinarangalan ng Overseas Workers Welfare Administration Region III ng OWWA Maharlika Award si Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Umali dahil sa patuloy na paghahatid ng serbisyo sa mga repatriated at distressed Overseas Filipino Workers sa lalawigan.
Ayon kay Maria Luisa Pangilinan, Provincial PESO Manager, sa pamamagitan ng OFW HELP Desk ay natutulungan nila ang mga OFWs na nagkasakit at minaltrato ng kanilang mga amo upang makauwi sa bansa lalo na nang magsimula ang pandemya.
Ilan sa mga suportang ibinibigay ng Provincial Government of Nueva Ecija sa mga OFWs na pinauwi at nagkaroon ng problema sa ibang bansa ay ang livelihood assistance, libreng serbisyong medikal, at scholarship program para na rin sa kapakanan ng kanilang pamilya.
Sa pakikipagtulungan ng OWWA, Department of Migrant Workers, Department of Labor and Employment at iba pang national government agencies ay tuluy-tuloy ang pagkakaloob ng tulong sa mga buhay na bayani ng lalawigan.
Simula noong January hanggang June 2023, halos nasa 120 repatriated and distressed OFWs ang natutulungan na ng PESO OFW Help Desk na makauwi sa probinsiya.
Ang OWWA Maharlika Award ay ipinagkakaloob sa mga Local Government Units ng Overseas Workers Welfare Administration Region III na nagpapakita ng dedikasyon sa pagseserbisyo sa mga OFW at sa kanilang pamilya.