PHP10-M PONDO MULA SA AICS PROGRAM NI CONG. GP PADIERNOS, IBABABA SA MAHIHIRAP NA NOVO ECIJANO
Aprubado sa 31st Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ng Punong Lalawigan Aurelio Umali na mabigyan ito ng kapangyarihan upang lumagda sa isang kasunduan kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng DSWD Field Office III, kaugnay sa implementasyon ng crisis intervention sa pamamagitan ng Assistance to Individuals and Families in Crisis Situation (AICS) Program.
Kaugnay din ng nasabing kasunduan na masiguro ang epektibo at maayos na serbisyo sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng AICS alinsunod sa Executive Order No. 221 Series of 2003 at Executive Order No. 137 Series of 2021.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Assistant Officer Marijune Munsayac, ang pondong nagkakahalaga ng Php10-million ay mula sa AICS Program ni GP Partylist Representative GP Padiernos.
Ang pondo ay nakalaan para sa financial, medical, transportation at educational assistance para sa mga mahihirap nating kababayang Novo Ecijano bilang pangsalo sa kanila sa panahon ng matinding pangangailangan.
Maliban sa pondong ito ay tuloy-tuloy din ani Marijune ang AICS Program mula sa iba’t ibang senador tulad ni Senator Bong Go na nakafocus naman sa pagbibigay ng food assistance.