PROGRAMANG “INSPIRE” PARA SA PIGGERY, IPATUTUPAD SA NUEVA ECIJA

Aprubado sa ika-33 regular na session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na ipatupad ang programang INSPIRE o Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion ng ng Department of Agriculture.

Sa buong bansa, ipinatutupad ang isang kilometrong layo ng mga commercial piggery at poultry farms sa mga kabahayan. Ngunit sa ordinansang panlalawigan ng Nueva Ecija ay tatlong kilometro ang ipinatutupad na layo nito.

Bilang pakikiisa sa programang INSPIRE, iminungkahi ni Dra. Jennilyn Averilla ng Provincial Veterinary Office na pagbigyan silang isagawa ang naturang programa, kung saan papayagan ang ilang mga pribadong kumpanya pati na rin ang mga backyard piggery na magpatayo ng babuyan kahit isang kilometro lang ang layo sa mga kabahayan.

Pangamba ni Bokala Belinda “Baby” Palilio na maaari itong magdulot ng pag-aaklas kapag nalaman ng iba na pinayagan ang asosasyon at ang ibang mga private company, samantalang ang iba ay hindi makakatanggap ng parehas na benepisyo.

Subalit, magkakaroon umano ng “exemption” para bigyang daan ang implementasyon ng programang ito ng National Government o ang pagpapatupad ng probisyon ng Administrative Order No. 04 S. 2004 na pagbibigay ng natatanging regulasyon na nakalaan partikular lang sa nasabing programa.

Paliwanag ni Vice Governor Anthony Umali, kinakailangang tiyakin na masusing maiimplementa at mababantayan ang programang ito upang hindi makaperwisyo.

Sa ika-34 na sesyon ay inamyendahan naman ang Executive Order No. 5 kung saan ang mga bagong aplikante ay papayagan nang magtayo ng piggery na may layong isang kilometro sa mga kabahayan ngunit kinakailangang gumamit sila ng makabagong teknolohiya na makakatulong sa pag-iwas sa perwisyo sa amoy ng baboy at langaw, at taun-taong humingi ng permit upang regular na ma-monitor kung patuloy silang sumusunod sa ordinansa.