72 ANYOS NA LOLO NA NAGTAPOS NG SENIOR HIGH SCHOOL, NANGANGARAP NA MAGING AGRICULTURIST

Binasag ng sitentay dos anyos na magsasakang si Carlos Saladaga ng Muabog, Tabogon, Cebu ang societal stereotypes sa pamamagitan ng pagtatapos sa Senior High School nitong buwan ng Hulyo at ngayon ay nangangarap na maging isang agriculturist.

Ang pagtatapos ni Lolo Carlos sa Daantabogon National High School ay nagtatampok sa ideya na ang edukasyon ay walang pinipiling edad.

Nais niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo at planong kumuha ng BS Agriculture para mas matuto pa sa pag-aagrikultura at makapagbahagi din sa kapwa magsasaka sa mga pamamaraan para mas maging produktibo sa pagsasaka.

Natigil noon sa pag-aaral si Lolo Carlos sa grade school dahil sa kahirapan at itinuloy ang General Academic Strand (GAS) sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS), pagkatapos ay nag-enroll sa Senior High School para tapusin ang kanyang secondary education.

Sa kabila ng pakikibaka sa pagharap sa hirap ng pananalapi at mga kritisismo sa kanyang paligid ay hindi nagpatinag si Lolo Carlos at nanatiling matatag na makakuha ng mga kaalaman sa eskwelahan.

Isa din sa naging inspirasyon ni Lolo Carlos upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ay para ipakita sa mga kabataan ngayon na hindi hadlang ang edad upang makapagtapos at ipaunawa sa kanila na mas marami pa silang kayang abutin at marating sa buhay dahil bata pa sila kumpara sa kanya na may edad na.

Habang nag-aaral ay hindi naman tumigil si Lolo Carlos sa kanyang mga aktibidad sa bukid dahil patuloy siyang nagtatanim dito, kaya payo niya sa mga katulad niya na anuman ang kanilang pangarap sa buhay dapat ay ipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.