MGA KANDIDATONG MANGANGAMPANYA SA SOCIAL MEDIA, PWEDENG MADISQUALIFY- COMELEC

Bawal pang mangampanya o i-promote ang sarili sa social media ng mga naghain ng certificate of candidacy sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election hangga’t hindi pa nagsisimula ang campaign period.

Ayon kay Atty. Leylan Generoso Manuel, Election Officer IV ng COMELEC Cabanatuan, ipinagbabawal ang maagang pangangampanya ng mga official candidate simula September 3 hanggang October 18 batay sa Comelec Resolution 10905.

Aniya, magsisimula ang campaign period para sa BSKE sa October 19 hanggang 28, 2023.

Kabilang sa maituturing na premature campaigning ay ang pamimigay ng mga leaflets, paglalagay o pagdidikit ng posters, paggawa ng mga assembly sa barangay, at pagsusuot ng damit na may mukha ng kandidato kahit walang sinasabi na iboto ito.

Paalala naman ng Comelec sa mga magrereklamo na dapat kumpleto ang mga dokumento ng kanilang ebidensiya at pwedeng mag-file ng kaso sa main office ng Clerk Commission sa Manila.

Ang sinumang lalabag sa premature campaigning ay haharap sa disqualification at criminal charges.

Payo ni Atty. Manuel sa mga opisyal na kandidato ng BSKE 2023 na sundin ang Omnibus Election Code na nagbabawal sa election campaigns o partisan political activity sa labas ng itinalagang panahon.