KULONG, MULTA, IPAPATAW SA MGA HINDI SUSUNOD SA ITINAKDANG PRESYO NG BIGAS
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kautusan na nagtatakda ng limitasyon o “ceiling” sa presyo ng bigas sa buong bansa. Hinikayat din ng Palasyo ang publiko na isumbong ang mga nagtitinda at negosyante na hindi susunod.
Sa pinirmahang Executive Order No. 39 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nakasaad na inaprubahan ni Marcos ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade of Industry (DTI) sa pagtatakda ng price ceilings sa bigas sa buong bansa.
Sa regular milled rice, P41 per kilo ang itinakdang sagad na presyo, habang P45 per kilo naman sa well-milled rice.
Inilabas ang naturang kautusan matapos mabahala si Marcos sa biglang taas na presyo ng bigas sa bansa na umaabot ngayon sa P45 hanggang P70 ang bawat kilo.
Sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act No. 7581, nakasaad na may kapangyarihan ang Pangulo na magpatupad ng price ceiling sa mga pangunahing produkto batay sa rekomendasyon ng implementing agency, o ng Price Coordinating Council.
Nakasaad din sa EO na mananatili ang itinakdang price ceilings sa bigas hangga’t hindi inaalis ng Pangulo, batay sa rekomendasyon ng Price Coordinating Council o ng DA at DTI.
Inatasan din ni Marcos ang DA, at DTI na tiyakin ang maipatutupad ang naturang kautusan.
Kasama rin sa EO ang direktiba sa Department of the Interior and Local Government, pati na ang Philippine National Police, na tulungan ang DA at DTI sa pagpapatupad ng kautusan.
Nagbabala naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga indibidwal o grupong sangkot sa iligal na manipulasyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay nahaharap sa pagkakakulong na hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at magbabayad ng multa na hindi bababa sa P5,000 hanggang P2 milyon.
Maari din umanong makulong at multa na aabot sa P1 milyon para sa mga lalabag sa taas ng presyo ng bigas na nagkakabisa noong Setyembre 5,2023 .
Hiniling din ng DILG sa publiko na sumunod sa price cap na P41 kada kilo para sa regular-milled at P45 kada kilo para sa well-milled na bigas.
Muling iginiit ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na magsasagawa ang departamento ng malawakang information drive bilang pagsunod sa Executive Order (EO) 39 ng Presidente, na nagpapataw ng mga price ceiling sa bigas. maaaring itawag sa 8888 Citizen’s Complaint Center ng gobyerno.