MGA NANAY, KAIBABAIHANG MAY ASAWA, PWEDE NANG SUMALI SA MISS PHILIPPINES

Naniniwala ang Miss Philippines na ang mga ina at babaeng may asawa ay maaaring maging kasing epektibo ng mga babaeng walang asawa sa pagiging influencer at tagapagtaguyod ng kultura at pamana ng Pilipinas.

Kaya naman ngayong taon ay binuksan na rin sa mga nanay at kababaihang may asawa ang pagsali sa naturang patimpalak.

Sa isang Facebook post ng The Miss Philippines ay inihayag na ang lahat ng mga babae, single man, may asawa o may anak ay maituturing na reyna.

Sinusundan ng Miss Philippines ang mga yapak ng sister pageant nitong Miss Universe Philippines na tumanggap na rin ng mga kababaihang may asawa at anak kung saan tatlong ina ang kabilang sa mga kandidatang naglaban-laban ngayong taon.

Nakalagay din sa post na hindi kinakailangang talikuran ng mga ina o may asawa ang kanilang pangarap na sumali sa isang pageant dahil welcome silang lumahok sa Miss Philippines.

Gaganapin sa September 9 sa Pasig City ang final screening para sa naturang patimpalak.

Magiging kinatawan ng bansa sa Miss Supranational at Miss Charm pageants ang mananalo sa inaugural pageant na ito.

Ipinroklama bilang unang Miss Philippines titleholder si Pauline Amelinckz pagkatapos ng kanyang first runner-up finish sa Miss Supranational 2023.