SIM CARD, NAIREHISTRO KAHIT MUKHA NG UNGGOY ANG NAKALAGAY SA ID, NABISTO SA SENADO

Nabisto sa pagdining ng senado na kahit mukha ng hayop ay kayang mailusot sa SIM card registration gaya ng nakangiting unggoy na nakalagay sa identification card na kunwaring nagpaparehistro.

Isiniwalat ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na bago sila dumalo sa hearing ng Senado ay nag-eksperimento ang kanyang team kung saan ini-register nila ang isang ID na may mukha ng nakangiting unggoy gamit ang iba’t ibang pangalan. Lahat ng ito ay nairehistro sa SIM ng iba’t ibang telcos.

Sinabi ng opisyal na makikita sa kanilang imbestigasyon na maaaari pa ring gamitin ang mga pekeng government ID sa pagpaparehistro ng mga SIM card kaya talagang mahihirapan ang mga awtoridad na tukuyin ang mga text scammers.

Maliban dito, gumagamit din ang mga scammers ngayon ng ibang mobile application tulad ng Viber, WhatsApp, Twitter at Linked In at iba pang internet platform para makapambiktima.

Ayon sa National Telecommunication Commission, sa kabila ng Mandatory SIM Registration Act ay nakatangap pa rin sila ng mahigit 45, 000 na reklamo sa text scam.

Bunsod nito, iminungkahi ni Senator Grace Poe, chairperson ng komite na amyendahan ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng batas para maisama ang facial recognition.

Isinagawa ang pagdinig ng komite dahil sa patuloy na pagdagsa ng reklamo ng text scam sa kabila ng pagpapatupad ng naturang batas.

Samantala, ang sinumang nagsinungaling sa SIM registration ay posibleng makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at may multa na aabot sa P300, 000.