SUBSIDIYA, SIGAW NG MGA LUGING MAGSASAKA NG PALAY
Umaapela ang mga magsasaka mula sa isang farm cooperative sa Aliaga, Quezon, at Licab Nueva Ecija kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kung bibigayan ng subsidy ang mga rice vendors dahil sa ipatutupad na rice price ceiling tulungan din sila dahil bigla umanong bumagsak ang presyo ng palay simula noong nakaraang linggo.
Ayon sa ginawang survey ng National Rice Program, mula sa P22 hanggang P25 kada kilo noong Hunyo at Hulyo ay sumadsad ito sa P17 hanggang P18 bawat kilo at maaari pang mas bumaba sa P16 o P15 sa kasagsagan ng anihan ngayong tag-ulan ngayong kalagitnaan ng Setyembre hanggang huling bahagi ng Oktubre.
Ikinalungkot din ng mga magsasaka ang kanilang pagkalugi dahil sa pagbaba ng kanilang produksiyon sanhi ng sunud-sunod na nagdaang bagyo at Habagat ay dumapa ang kanilang pananim na palay na ma.
Base sa inspeksiyon ng Department of Agriculture National Rice Program, matinding naapektuhan ng matagal na buhos ng ulan dahil sa Habagat ang mga bayan ng Licab, Quezon at Zaragoza dito sa Nueva Ecija.
Dagdag pa dito, hiling ng mga magsasaka sa pangulo na utusan ang NFA na bumili ng basang palay sa farmgate level para hindi sila mapagsamantalahan ng mga traders sa pagbli ng kanilang ani sa mababang presyo.
Samantala, ipinagagamit naman ni Sen. Ralph Recto ang nakolektang buwis mula sa imported na bigas upang mabigyan ng ayuda ang mga magsasaka.
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF ay maaari itong gamiting pambili ng kagamitan, binhi at credit assistance.
Kaya iminungkahi ni Recto na amyendahan ang RCEF law upang mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga magsasaka at bawasan ang 35 percent na ipinapataw sa imported rice para bumaba ang presyo nito.