CAREER WOMAN, NAKAMIT NA ANG KANYANG PANGARAP DAHIL SA KANYANG PANANAMPALATAYA

Ibinahagi ng isang matatag na ina at career woman na si Mrs. Dolly Reyes Quesada kung paano niya nakamit ang tagumpay sa buhay, kanyang mga karanasan at mga natutunan sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman.

Mahigit 13 years nang distributor ng bread sa Nueva Ecija si Mrs. Dolly at kilala rin siya bilang ‘Woman of Faith’, at dahil sa kanyang pananampalataya siya ay pinagpapala.

Kwento nito, dati siyang coordinator of garments, at noong mga panahong siya ay nagdu-duty sa iba’t-ibang mga malls ay kakahiwalay lang nila ng kanyang asawa.

Dahil walang kasama at kausap sa byahe, ay nakikipag-kwentuhan na lang aniya siya Kay Lord.

Ikinuwento rin niya na sa dami ng kanyang pinagtrabahuhan ay hiniling niya Kay Lord na magkaroon ng maliit na stall sa isang mall sa Cabanatuan City, at nangako siya sa Panginoon na hati sila sa kanyang kikitain sa maliit na negosyo na kanyang tinupad sa pamamagitan ng pagbabahagi sa simbahan.

Hindi aniya maiiwasan ang mga problema sa negosyo, hinarap niya ang mga ito sa tulong ng dasal.

Ang mga pagsubok na dumating sa kanyang hanapbuhay, ay inituturing umano rin niya bilang biyaya.

Payo niya sa mga nais din magsimula ng negosyo, kung ano ang hawak na puhunan ay yun ang pasimulan at ang lahat ng kikitain ay ikonekta Sa Panginoon.