TERRENCE ROMEO, CALVIN ABUEVA, BALIK GILAS NGAYONG ASIAN GAMES

Handa na ang bagong-bihis na Gilas Pilipinas sa mabilisang paghahanda para sa 2023 Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.

Sa ikalawang sunod na araw ay sumabak sa ensayo ang Gilas sa Philsports Arena sa Pasig City tampok pa rin ang kumpletong attendance mula sa 12 na manlalaro ng bagong Gilas head coach Tim Cone.

Pinangunahan ito nina 2023 FIBA World Cup players Scottie Thompson, June Mar Fajardo at Japeth Aguilar.

Tanging si Roger Pogoy lang na may sakit ang wala sa training ng Gilas.

Nagbabalik naman ang mga dating Gilas na sina Terrence Romeo at Calvin Abueva pati na ang dalawang naturalized players na sina Justin Brownlee at Ange Kouame.

Kinumpleto nina Stanley Pringle, Calvin Oftana, Chris Newsome, Jason Perkins at Mo Tautuaa ang Gilas camp para sa araw-araw na ensayo hanggang Sabado.

Ang Problema ngayon ng Gilas hindi naisama sa listahan sina Perkins at Abueva sa naisumite ng SBP sa Hangzhou, China Organizing committee noong Hulyo kapalit sa mga injured na sina Jamie Malonzo at Rosser. Nasa Asian Games Committee na kung papayagan nilang makalaro ang dalawa.

Pero meron namang Back up player ang Gilas sa katauhan ni Stanley Pringles. Marami namang nagtatanong bakit si Pringles? Ayon kay Tim Cone it’s a logical choice na si Stanley para sa kanya, dahil si Pringles ay kabisado na ang sistema nito at tanggap nito ang pagiging back up player.

Sa Linggo, papasok sa closed-door training ang Gilas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago sumalang kontra sa LG Sakers ng Korean Basketball League (KBL) sa Setyembre 22 at tsaka lilipad pa-China kinabukasan
Sa Setyembre 26 pa nagsisimula ang basketball event ng Asian Games, kung saan kasama ng Gilas sa Group C ang Jordan, Bahrain at Thailand.

Misyon ng Gilas na makapasok na ulit sa podium finish buhat nang mag-uwi ng bronze medal noong 1998 sa Bangkok tampok ang Philippine centennial team na ginabayan din ni Cone.

Kasama ni Cone, na pumalit kay World Cup head coach Chot Reyes sa Gilas staff ngayon sina Richard del Rosario at LA Tenorio ng Ginebra pati na sina Jong Uichico at Josh Reyes mula din sa World Cup team.

Si Ginebra governor at San Miguel Corporation sports director Alfrancis Chua ang tatayo bilang team manager ng koponan sa 19th Asian Games, kasama si PBA commissioner Willie Marcial bilang deputy team manager.