LAHAT NG URI NG PAMAMAHAGI NG AYUDA NG DSWD, TULOY KAHIT MAY ELECTION BAN
Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na pinayagan na ng Commission on Elections o COMELEC ang lahat ng uri ng pamamahagi ng ayuda ng ahensiya kahit na umiiral ang election ban.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez na exempted ang mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, Food Stamp Program (FSP), Tara, Basa! Tutoring Program, Oplan Pag-Abot, Project Lawa, Social Pension Program, Centenarian Program, at Supplemental Feeding Program.
Pinayagan din ng COMELEC ang paggamit ng pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Targeted Cash Transfer Program (TCT), MNLF Transformation Program, Beneficiary First Project, Residential and Non-residential Care Program, Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project, Socio-Economic Program for Normalization of the Commissioned Combatant, at Modified Shelter Assistance Project.
Inaprubahan rin ng komisyon ang pamimigay ng P15, 000 sa mga maliliit na rice retailer na naapektuhan ng ipinatutupad na price cap sa panahon ng election ban.
Dahil dito ay magpapatuloy ang distribusyon ng ayuda sa mga nabanggit na programa ngayong Setyembre hanggang Oktubre ngayong taon.
Paalala naman ng COMELEC na huwag makisali ang mga kandidato ng Barangay at SK Election sa pamamahagi ng tulong pinansiyal ng pamahalaan sa mga nangangailangang mamamayan.