Pasintabi sa mga manunuod.

KAYA MO BANG KUMAIN SA KUBETA?

ORDER NA PAGKAIN SA BISTRO, NAKAHAIN SA ARINOLA AT INIDORO!

Patibayan ng sikmura kung nais ninyong matikman ang mga pagkaing inihahain sa isang bistro sa City of Naga, Cebu.

Ang bathroom-themed na kainan kasi ay inodoro ang ginawang mga upuan na nilagyan pa ng mga “palamuti” na ‘tila dumi ng tao kaya nagmukha itong “makatotohanan”.

Ang mga pagkain na oorderin naman tulad ng sabaw ay nakalagay sa parang arinola na gawa sa lata, at ang mga kanin at ulam ay sa plastic na arinola naman kakainin.

Sa maliliit na disenyong inidoro naman matitikman ang mga panghimagas at inumin dito.

Nakakadiri man para sa iba ang konsepto ay siniguro naman ni Sarah Mae Enerlan Gamboa, may-ari ng establisyemento, na malinis ang kanilang lugar, pagkain at mga kagamitan.

Pati daw ang mga inidorong ginawang upuan dito ay mga bago din.

Pumatok naman ito sa mga parokyano kaya planong magdagdag ng ikalawang palapag para maaccomodate ang dumadami nilang mga kostumer.