LANGUAGE SKILLS INSTITUTE, MAGDADAGDAG NG 5 SHORT TERM COURSES PARA SA MGA NOVO ECIJANO

Inaprubahan sa 31st Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali para sa pagpapatibay ng isang resolusyon na pinahihintulutan ang Language Skills Institute (LSI) na makapagdagdag ng short term courses bilang pagsunod sa kinakailangang dokumento ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasanay ng mga mag-aaral.

Ang limang kurso na ito ay kinabibilangan ng Housekeeping, Bread and Pastry, Performing Arts, Events Management at Mobile Training Program (Contact Center Services).

Ayon kay LSI Program Director Ma. Luisa Pangilinan, makatutulong ang pagkakaroon ng skills training para sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa upang madagdagan ang kanilang credentials para maging kwalipikado sa pag-aapply abroad.

Sinabi din nito na ang pagdaragdag nila ng kursong Bread and Pastry ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng Nueva Ecija Bread and Pastry Commercial and Training Center para sa pamamahagi ng libreng tinapay sa mga Novo Ecijano.

Kapartner dito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpoprovide ng equipment para sa training center at ang Technical Education and Skills Development (TESDA) na magbibigay ng scholarship para sa training.

Dagdag nito na kaya sila humihiling ng resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan ay upang makababa sila sa mga munisipalidad para sa Mobile Training Program sa Contact Center Services na may 144 training hours o may katumbas na labing walong araw.