PHP1.40 SINGIL SA PAGPAPATUYO NG PALAY SA 2 DRYING FACILITY NG PROVINCIAL GOVERNMENT, APRUB NG SP

Pinukpukan sa 33rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na mapagtibay ang isang ordinansang isinasaayos ang pamantayan ng paniningil para sa pagpapatuyo at paggiling ng palay sa mga post-harvest facilities na pag-aari ng Provincial Government.

Sa ilalim nito ay maniningil ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga magsasakang magpapatuyo ng palay sa Nueva Ecija Provincial Government Grain Drying Facility and Research Center na nasa Palayan City at NEPG Rice Mill Complex na nasa Guimba, ng halagang Php1.40 per kilo.

Nagkakahalaga naman ng Php1.30 kada kilo ang sisingilin sa mga magpapagiling ng palay sa NEPG Rice Mill Complex.

Nauna nang ipinaliwanag ni Acting Provincial Agriculturist Doc. Jobeat Agliam sa 32nd Regular Session na may dati nang basehan sa paniningil ang Drying Facility na nasa Palayan City na nagkakahalaga ng Php45 per sako ng palay, ngunit bunsod aniya ng inflation ay itinaas na ito sa Php1.40 bawat kilo.

Sinabi din nito na maging ang National Food Authority na naatasan ni Pangulong Bongbong Marcos na mamili na rin ng basang palay sa mga magsasaka ay maaaring gumamit ng mga pasilidad na ito.

Inaasahan ani Doc. Agliam na magagamit at makapaghahatid na ng serbisyo sa mga mamamayan ang Rice Mill sa Guimba sa darating na anihan.